Sunday, July 17, 2011

Ang Kontrabidang si Perky at ang Naimbyernang si Juanita Paula

Ito ay isang maikling-kwento tumatalakay sa buhay ng isang baklang sabik sa pagmamahal. Ang mga pangyayari at tauhan sa kwento ay pawang likhang-isip lamang ng sumulat at hindi hango sa tunay na buhay. Mahalagang basahin ang aking naunang post: “Ang ‘Etsus’ na Araw ni Juanita Paula” upang higit na maunawaan ang takbo ng kwento.

Sabado noon. Maagang gumising ang magkakapatid na Andrew, Roy at Perky. Nangako ang kanilang inang si Aling Kirsty na ipapasyal sila nito sa ‘perya’ mamayang gabi kung magiging mabait sila at tatapusin ng maaga ang mga gawaing-bahay. Sabik na sabik ang magkakapatid dahil kapag sabado at linggo lamang sila nakakapamasyal sa labas. Mula Lunes hanggang Byernes ay abala ang kanilang nanay sa pagtitinda. Katulong nito ang magkapatid na Andrew at Roy na salit-salitang nagbabantay sa tindahan habang si Perky na noo’y pitong taong gulang pa lamang ay sige naman ang laro, bakasyon kasi sa eskwela. Mahal na mahal ng Inang si Aling Kirsty ang anak na bunso kung kaya’t hindi ito pinapagawa ng mga gawaing bahay. Katwiran nito’y masyado pang bata ang bunsong anak para danasin ang hirap ng buhay. Pero nang araw na iyon ay makikitang tumutulong si Perky sa kanyang kuya Andrew at Roy. Gamit ang maliit na basahan ay abala ang batang babae sa pagpupunas ng iba’t ibang pigurin na nakadisplay sa sala. Excited kasi si Perky na mag-‘perya’ sila. Siya nga ang humiling sa ina na pumunta sila doon. Ang ‘perya’ ay iyong parang munting karnibal na kakikitaan ng iba’t ibang mga pambatang sakayan o ‘rides’ at kung anu-anong klaseng laro gaya ng ‘color game’, ‘bingo’ at roleta. Kahapon kasing naglalaro si Perky ng ‘bahay-bahayan’ ay paulit-ulit itong ininggit ng kalaro nyang si Enteng na anak naman ng kapitbahay nilang si Mang Jim. Ang sabi ni Enteng ay marami na raw sakayan na makikita sa ‘perya’ kaya’t lalong nanabik na makapunta din doon si Perky. Maghapon niyang kinulit ng kinulit ang ina na magtungo sila roon at kalauna’y pumayag din ito. Hindi pa gaanong sibilisado ang lugar nila sa San Juan, Batangas subalit dinarayo ito ng mga ‘peryante’ kapag malapit na ang piyesta ng kanilang bayan.

Paggising ni Aling Kirsty ay nabungaran niya ang tatlong anak na abalang naglilinis. “O, ang aga nyo naman nagsigising mga anak!” bati nito.
“Siyempre po, Inay! Tatapusin po namin ang mga gawain kaagad para mamayang gabi ay pupunta tayo sa perya! Yehey!” tuwang-tuwang sabi ni Perky sa ina.
“Ah.. yun pala! Oo nga, nasabi ko pala kahapon.. O, e nag-almusal ba muna kayo?” tanong nito at dumiretso sa kusinang kanugnog lang ng kanilang sala.
"Opo Inay! Nagluto po ang kuya Andrew ng pritong itlog at hotdog saka nagsangag ng kanin.. kumain na po kami kanina.. " sagot naman ni Roy sa Ina.
“O syanga? Aba eh maaasahan talaga kayo mga anak.. Salamat Andrew sa pag-aasikaso mo sa dalawa mong kapatid…” wika nito.
“Wala pong anuman Inay. Nagtira po kami ng pagkain para sa inyo.. kain na rin po kayo dyan..” magiliw na sagot ng panganay ni Aling Kirsty. Palagay na ngayon ang loob nito sa ina at hindi na takot na tulad ng dati. Noon kasi ay palagi itong napapalo at napapagalitan pero noong isang linggo lamang ay sumulat si Andrew sa ina at sinabi rito ang saloobin kasabay ng pagbati dito ng ‘Happy Mother’s day’. Hindi malilimutan ni Andrew ang araw na iyon na siya na yatang pinakamasayang araw sa buhay nya. Nalaman nya mula sa ina kung gaano siya kamahal nito at simula noon ay naging maayos na ang pakikitungo nito sa kanya.
Matapos maglinis ay nagpahinga ang tatlong bata at nanuod ng t.v. Hinayaan lang sila ni Aling Kirsty at ito’y nagtungo na sa tindahan. Maya-maya ay lumapit sa tindahan si Ker, ang gwapong anak na binata ni Mang Dennis. Bumili ito ng ilang pirasong sigarilyo. “Aling Kirsty, bakit wala ho yata si Perky..” puna ng binata habang nagsisindi ng sigarilyo. Madalas kasi ay nadadatnan ni Ker sa tindahan ang bunsong anak ni Aling Kirsty at giliw na giliw ito sa bata dahil makulit ito. Tuwing bumibili si Ker ng ‘yosi’ ay awtomatikong iniaabot ni Perky ang lighter sa binata. Naging malapit na rin ang loob ng batang babae dito.
“Ah, oo, nasa loob at nanunuod ng tv..”
“Ah ganun po ba? Sabihin nyo ho ay napadaan ako. Pakibigay na rin ho itong mga ‘strawberries’.. bigay ho yan ni Mama, nanggaling kasi sa Baguio at kahapon lang bumalik..” anito sabay abot ng isang maliit na supot na may mga strawberries.
Tinanggap ni Aling Kirsty ang supot. “Ok, sige Ker.. salamat iho, nag-abala ka pa..”
“Sige ho, mauuna na ko..” anang binata at umalis na.
Hindi pa nagtatagal ay ang humahangos namang si Mang Mat ang dumating. Isa itong kubrador ng ‘huweteng’ at sa tuwina’y may dalang balita o di kaya nama’y ‘tsismis’.
“Aling Kirsty, tres-bente syete ho ang tumama! Tumama ho kayo ng apat na libong piso!” medyo hinihingal pang balita ng kubrador. Iniabot nito ang perang tinamaan ditto.
“Siyanga?! Talaga! Aba’y napakaswerte naman ng araw na ito!”  tuwang-tuwang sabi nito sabay sa pera.
“Oo, Aling Kirsty, dapat bigyan mo ako ng kaunting balato nyan!” sabi ni Mang Mat.
“Aba, oo naman! O ito..” inabutan ito ni Aling Kirsty ng dalawang daan. Tuwang-tuwa namang tinanggap iyon ni Mang Mat.
“Sayang nga ho Aling Kirsty, matagal na ring numero iyon ni Juanita Paula. Kung andito ho sana siya ay malamang may panalo rin siya ngayon..” naiiling na wika ni Mang Mat na ang tinutukoy ay ang tsismosang baklang kapitbahay nina Aling Kirsty, noong isang Sabado ay dinala ito sa ospital at ang balita’y nabugbog ng ama pero kung anong dahilan ay hindi nila alam.. “dangan kasi ay hindi pa raw nakakalabas ng ospital.. pero nakausap ko si Aling Arra dyan sa kabila at ang sabi’y mabuti na raw ang kalagayan. Mga dalawang araw pa raw at palabas ng ospital.. grabe pala talaga magalit ang ama ni Juanita at nabugbog nang husto anak  eh balita ko ay ngayon lang ulit sila nagkita sa loob ng mahabang panahon. Siguro ay may ginawang malaking kasalanan si Juanita, ano sa tingin mo Aling Kirsty?..” mahabang daldal ng kubrador.
“Naku, hindi ko rin alam Mat.. mabuti naman at lalabas na pala siya sa ospital. Nakakapanglaw din kapag wala iyang baklang si Juanita at walang maingay dito samin eh!” nakangiting sabi ni Aling Kirsty. Wala talaga silang ideya kung ano ang nangyari.
“O siya, maiwan ko muna kayo Aling Kirsty at hahabol pa ako sa huling bola” paalam ni Mang Mat.
Masayang-masaya naman ang mga anak ni Aling Kirsty. Natuloy ang pagpunta nila sa ‘perya’ ng gabing iyon. Galante ang nanay ni Perky dahil malaki rin ang napanalunan nito sa Huweteng. Lahat halos ng ‘rides’ ay nasakyan nilang magkakapatid nang gabing iyon. Kinabukasan ay panay ang kwento ng batang si Perky sa anak ni Mang Jim na si Enteng tungkol sa mga ginawa nila sa ‘perya’. Inggit na inggit naman si Enteng dahil nalamangan ito ni Perky.
Lumipas ang dalawang araw hanggang sa tuluyan na ngang gumaling ang baklang si Juanita Paula at pinayagan na ng doktor na umuwi ng bahay. Nakita nina Andrew, Roy at Perky nang dumating ito kasama ang mga magulang na sina Aling Arra at Mang Gaspar. Halatang medyo mahina pa ang tsismosang-kapitbahay. Napatingin si Juanita kay Andrew at nagtama ang mata ng dalawa. Nag-iwas agad ng paningin ang batang si Andrew at kaagad binalingan ang dalawang kapatid at ipinaalalang tumahimik at huwag babanggitin sa ina nila ang nangyari noong isang linggo. Para namang nakakaunawang tumango sina Roy at Perky.

Mula nang dumating buhat sa ospital si Juanita Paula ay hindi na ito madalas nakikita ng magkakapatid kaya medyo nagtataka na ang bunsong anak ni Aling Kirsty.
“Inay, bakit po kaya hindi ko nakikita ang ate Juanita?” tanong ni Perky sa ina. Nasa loob sila noon ng tindahan at nagmemeryenda ng bagong lutong bananaque.
“Bakit anak, namimiss mo na ba ang ate Juanita mo? Nakausap ko kahapon si Aling Arra, yung ina ni Juanita.. medyo masakit pa raw ang katawan ng ate Juanita mo kaya hindi pa naglalalabas ng bahay..” anito.
“Ah, ganun po ba ‘Nay.. tara ‘Nay dalaw tayo sa tapat.. baka mas mabilis gumaling si ate Juanita pag dinalaw natin siya..” wika ni Perky sa ina, pero sa loob-loob niya ay hindi kalianman niya mamimiss ang tsismosang kapitbahay. Gusto lang niya itong inisin para makaganti sa ginawa nito sa kapatid na si Andrew. Nasa tindahan din nang mga sandaling iyon ang dalawa niyang kuya na sina Andrew at Roy.
“Okay, sige anak.. sige tapusin mo na yang kinakain mo at pupunta tayo saglit sa kanila.. Roy, Andrew, kayo muna ang magbabantay dito sa tindahan ha” baling ni aling kirsty sa dalawa.
“Opo ‘Nay!” halos magkapanabay na sagot nina Andrew at Roy pero ang una ay diretsong nakatingin sa bunsong kapatid na babae at parang may gustong ipahiwatig. Nakuha naman ni Perky ang mensahe ng kapatid. Alam niyang nag-aalala ito na baka malaman ng nanay nila ang nangyari kaya kinindatan niya ang panganay na kapatid para hindi ito mag-alala. Nakahinga nang maluwag si Andrew. Alam niyang matalino ang kapatid na bunso at marunong itong sumunod sa napag-usapan.
Pagkatapos makapagmeryenda ay sinamahan ni Aling Kirsty ang anak na bunso patungo sa bahay nina Juanita. Nagdala pa ang ginang ng 3 tuhog na ‘bananaque’ para ibigay sa mga ito. Pinatuloy sila ni Aling Arra at sinamahan papasok ng kwarto ng baklang kapitbahay nina Perky. Nadaanan pa nila sa sala ang ama nitong si Mang Gaspar at tinanguan sila.
“Juanita, may naghahanap sa yo..” anunsyo ni Aling Arra habang papasok ng kwarto nito kasunod sina Aling Kirsty at Perky.
Nakahiga ang baklang si Juanita at nagbabasa ng magazine pero biglang napaupo matapos mapagsino ang mga bisita.
“O.. Aling Kirsty.. na..nadalaw ho..ho kayo..” medyo nabubulol pang sabi nito. Kahit alam niyang walang sinumang pinagsabihan ang mga magulang niya tungkol sa  ginawa niyang kapangahasan sa panganay na kapatid ni Perky ay hindi naman niya sigurado kung ikinuwento ng mga bata sa ina ang nangyari.
“Ah oo.. nag-aya kasi itong si Perky na pumunta dito sa inyo.. namimiss ka na siguro ng batang yan.. matagal ka na rin kasing hindi nagagawi sa tindahan..” sagot naman nito.
“Parang takot na takot kang makita kami ate Juanita.. totoo po un.. namimiss na kita!” sabi ng batang si Perky sabay hampas sa may hita ng tsismosang kapitbahay. Ang pagkakahampas niya ay pabiro na parang nagigiliw lamang sa paningin nina Aling Arra at Aling Kirsty pero may diin un at nasaktan si Juanita.
“Aw.. aray Perky.. medyo may pasa pa ako dyan.. “ nakangiwing sabi nito.
“Ay sorry po.. ate Juanita.. natutuwa lang po ako sa inyo..” ani Perky at hinimas ang bahaging hinampas niya kanina pero ang himas niya ay madiin din kaya lalong napangiwi ang bakla.
“Ah.. etsus nitong batang ito.. tama na .. tama na.. ok na ko.. “ pabulong na sabi ni Juanita na nakairap kay Perky at hinawi ang kamay nito.
“Ate Juanita galit ka ba sa kin?..  di ba dapat ako ang magalit sa yo dahil may kasalanan ka sa min lalo na sa kuya Andrew ko..” ani Perky na ngiting-ngiti kay Juanita samantalang ang bakla ay hindi mapakali at kulang na lang ay takpan ang bibig nito, dangan nga lang at kasama nito ang ina..
“Bakit anak, anong kasalanan ng ate Juanita mo?” untag ni Aling Kirsty.
Tumingin si Perky sa ina pagkatapos ay kay Juanita Paula at kitang-kita niyang parang namumutla ito. “Di ba sabi mo sa min nina kuya sasamahan mo kami sa ‘perya’ pero bigla ka na lang nagkasakit. Ang bad bad mo!” ani Perky kay Juanita, hinampas ulit nito ang tuhod ng baklang kapitbahay at saka humagikgik. Ang totoo ay nilalansi lamang niya ang mga ito. Gusto lang niyang lalong manggalaiti ang baklang kapitbahay. 
“Ay oo nga pala noh! .. Sorry Perky ha.. pakisabi rin sa dalawa mong kuya na sorry kasi bigla akong nagkasakit..” Nakahinga nang maluwag si Juanita, akala niya ay ibubuko na siya ng bata.
“Okay lang ate, eto oh, dinalhan ka namin ni Inay ng bananaque para gumaling ka na.. aling Arra, kuha rin po kayo at bigyan nyo rin po si Mang Gaspar” ani Perky at iniabot sa ina ni Juanita ang supot ng babanaque.
“Salamat Perky..mabait pa lang bata itong anak mo Arra” sabi nito sa inay niya.
“Ay naku, sinabi mo pa.. mababait ang tatlo kong anak bukod pa sa matalino, lalo na itong si Perky..” may pagmamalaking sagot ng nanay niya. Huling-huli ni Perky ang biglang pag-irap ni Juanita Paula.
“Naku, oho Aling Arra, super talino ho niyang si Perky, grabe nga ho eh!” malanding sabi ng bakla na ikinabungisngis naman niya.
“O Pano Mare, uuwi na kami.. “ wika ng nanay ni Perky kay Aling Arra..”Juanita, pag magaling ka na dalaw ka sa bahay ha!” dagdag pa nito.
“Oho, sige po.. salamat ho sa pagdalaw..” sabi ng baklang si Juanita at muling nahiga sa kama. Lumabas na ng kwarto si Aling Arra kasunod si Aling Kirsty. Pero bago tuluyang lumabas si Perky ay mabilis nitong kinurot ang tuhod ni Juanita. “Maldita ka!” halos pabulong na sabi ng baklang kapitbahay sa palabas na si Perky. Nilingon naman ito ng bata at binelatan. Naiwang mag-isa ang napipikong si  Juanita Paula. Samantala, pagdating ng bahay ay ikinuwento ni Perky sa dalawang kapatid ang nangyari at tawa ng tawa ang dalawa.
Lumipas pa ang halos isang linggo at malakas na ulit ang baklang si Juanita Paula. Palagi na itong makikitang umaalis sa umaga kasama ng kaibigan nitong si Khim at gabi na kung umuwi. Babaeng-babae ang ayos ng dalawa at mukhang tanggap na ng mga magulang ni Juanita ang pagiging ‘bakla’ nito. Narinig ni Perky mula kay Aling Arra na ‘rumaraket’ daw ang magkaibigan at nagme-‘make-up’ sa isang parlor sa bayan nang minsang magkakwentuhan nito ang kanyang ina sa may tindahan. Inimbitahan pa sila nito na dumalo sa kaarawan ni Juanita sa darating na linggo na gaganapin sa kanilang bahay. Nangako ang kanyang Inay na pupunta sila. Ngayon pa lang ang nag-iisip na ang matalinong si Perky kung pano niya iinisin ang tsismosang kapitbahay.
Nang dumating ang kaarawan ni Juanita ay maaga itong gumising upang maghanda gayong alas-tres pa naman ng hapon ang simula ng pagdiriwang. Inilatag niya sa kama ang kanyang pulang gown. Ang nasabing gown ay ipinahiram pa sa kanya ng manager ng parlor na si Jethro. Bagong gawa raw iyon at pandagdag sa koleksyon ng pinaparentahang saya ng manager pero dahil kaarawan niya ay siya ang pinakaunang magsusuot niyon at libre pa. Nagpasalamat nang husto si Juanita dito. Inilapag na rin niya ang kanyang mamahaling ‘panty’ at ‘bra’ gayundin ang gagamiting ‘sandals’ at ‘make-up’ mamayang hapon. Tuwang-tuwa si Juanita Paula at nanaog upang tulungan ang ina na kagabi pa abala sa paghahanda ng mga lulutuin. Kagabi ay gumawa ito ng kalamay, puto at suman, ‘lecheplan’, buko salad at ‘jelatin’. Ngayong araw naman ito nakaplanong magluto ng ‘spaghetti’, pansit, ‘pinaltok’ at barbeque. Gusto raw kasi nitong bumawi kay Juanita dahil ilan kaarawan din nito ang hindi nasaksikan ng ginang sapagkat magkalayo sila. Katulong din si Mang Gaspar sa pagluluto.
“Happy birthday, anak!” nakangiting bati ni Aling Arra kay Juanita pagkakita dito.  Napayakap sa galak si Juanita sa Ina.. “Salamat po Nay!”
“Happy birthday Juanita..” wika naman ni Mang Gaspar bagamat hindi nakatingin sa kanya at patuloy sa paghihiwa ng sibuyas.
“Thank you, Itay..” bagamat medyo alangan pa rin sa ama ay lihim na natuwa ang bakla sapagkat ngayon lang niya narinig na tinawag siya nito sa pangalang ‘Juanita’.
“Ano pong maitutulong ko ‘Nay.. hihiwain na rin po ba ngayon itong mga carrots?”
“Ay naku wag na anak, madudumihan ka pa.. saka kaarawan mo ngayon, mabuti pa ay maligo ka na at magsimba, kami na ng tatay mo ang bahala dito sa kusina..” saway ni Aling Arra sa kanya, pakiramdam ni Juanita ay parang bata siya ngayon dahil sa pag-aasikaso ng ina.
“Sigurado po kayo ‘Nay?” tanong niya.
“Oo anak.. sige na dali at nang maaga kang makabalik.”
Tumalima naman si Juanita sa sinabi ng ina. Noon din ay naligo siya at nagbihis ng magandang panlakad. Hindi muna niya isinuot ang gown.  Bago umalis ay nagpaalam siya sa magulang. Paglabas niya ng bahay ay nasalubong niya ang magkapatid na Perky at Roy na may dalang labindalawang lobo

“Ate Juanita, Happy birthday po! Nagdala kami ng lobo, pinabibigay po ni Inay. Isama nyo raw po sa mga dekorasyon nyo para sa ‘party’ mamaya…” bati ni Perky dito.
“Happy birthday ate Juanita..” bati rin ni Roy.
“Salamat Roy..” anitong halatang gustong ‘okrayin’ ang batang si Perky kaya hindi ito pinansin. Naiinis pa rin kasi ito sa bunsong anak ni Aling Kirsty dahil sa ginawa nito noon. Pakipasok nyo na lang sa loob, andun sina  nanay at tatay…pakisabi sa nanay nyo na salamat..”
“Ate Juanita sorry nga po pala sa nangyari dati.. hindi ko na po uulitin promise!” nakangiting wika ni Perky at itinaas pa ang kanang kamay na parang nanunumpa.
“Asus.. totoo ba yan o etsus lang?” nakapamewang na sabi ng baklang si Juanita.
“Totoo po ate, alam nyo ate, ang ganda-ganda nyo po ngayon… “ pang-uuto pa nito sa tsismosang kapitbahay.
“Talaga?!! Inookray mo lang yata ako eh..” pumipikit-pikit pa ang mata ni Juanita at ‘feel na feel’ nito ang mag-ala-“Diyosa’.
Siniko naman ni Perky ang kapatid na si Roy para sumang-ayon.
“Ah.. eh.. oo nga ang ganda nyo ngayon ate!” banat ni Roy.
“Hmm… sige na nga, patatawarin na kita Perky.. basta wag mo na lang ulit uulitin ha… “ ani Juanita at ibinaba nito ang kamay ni Perky na nooy nakataas pa rin.
“Bongga!.. salamat ate Juanita!” kinindatan ito ni Perky. Sakay na sakay naman ang baklang si Juanita sa pang-uuto nito. Saglit lang ay gumaan na ulit ang loob nito sa bata.
“O siya, maiwan ko muna kayo at punta ko sa simbahan.. basta mamaya ay wag kayong mawawala ha.. maraming inihandang pagkain si nanay..” anito at nagsimula nang lumakad palayo.
“Salamat ate..” ani Perky rito.
Pagpasok sa loob ng bahay nina Juanita ay dumirestso ang magkapatid sa kusina.
“Hello po Aling Arra, Mang Gaspar. pinatuloy po kami ni Ate Juanita dito, ibigay raw po namin sa inyo itong mga lobo na bigay ng inay.. mamaya daw po aayusin ni ate Juanita pagbalik niya..”
“Ah, siyanga.. naku pakisabi kay Mareng Kirsty salamat.. teka, sandali at maghuhugas lang ako ng kamay pagkatapos ay samahan nyo ako sa kwarto ng ate Juanita nyo at doon muna natin ilagay yang mga lobo..”
“Sige po.. “ halos panabay na sagot ng magkapatid.
Pagpasok sa kwarto ay natambad kina Perky ang gown na isusuot ni Juanita. “Ang ganda-ganda!” sabi ni Perky.. “bigay nyo po ba sa kanya yan Aling Arra?” tanong nito sa ina ni Juanita.
“Ay hindi iha.. pinahiram lang sa kanya yan ng amo niya sa ‘parlor’..”  sabi ng matanda at nagsimulang itali sa may bintana ang mga lobo.
“Ah.. ganun po ba?.. Aling Arra, mukhang abala po kayo sa pagluluto, kami na lang po ni kuya Roy ang magtatali nito.. aalis na rin po kami pagkatapos.. madali lang naman po itong gawin..” ani Perky at sinimulang itali ang lobo.
“Naku napakabait mo talaga Perky..o siya, sige, maiwan ko muna kayo ha.. medyo marami nga akong gagayating panrekado eh“  Kakamot-kamot sa ulong sabi nito
“opo..” anang dalawa.
Pagkalabas ni Aling Arra ay iniabot ni Perky sa kapatid ang mga hawak na lobo.. “Kuya, ikaw muna magtali nito at may gagawin lang ako..” pabulong na sabi nito kay Roy.
“Ano na naman yang naiisip mo Perky..” tanong nito sa bunsong kapatid. Pero sa halip na sagutin ang tanong ng kanyang kuya Roy ay kinuha ni Perky ang gunting na nasa may tokador at ginupit ang dalawang utong ng ‘bra’ na nakalatag sa kama.
“Perky! Anong ginagawa mo?” pabulong pero nag-aalalang tanong ng kapatid.
“Ssssh.. kuya, wag kang maingay dyan at baka may makarinig satin.. bilisan mo na ang pagtatali ng lobo at nang makaalis na tayo dito..” ani Perky sa kapatid. Sa takot na mahuli sila at mapagalitan ay tinapos kaagad ni Roy ang pagtatali. Pagkatapos ay nagpaalam na sila sa nanay ni Juanita Paula.

Matapos magsimba ay dinaanan ni Juanita Paula ang ipinagawang cake kay Mang Froy. Kilig na kilig pa ang bakla ng batiin siya ng ‘panadero’ at hipuan sa pwet. Pagdating ng bahay ay agad siyang dumiretso sa kusina at inilapag ang ‘cake’. Pagkatapos ay sinimulan na ni Juanita ang pag-aayos sa bakuran nila kung saan gaganapin ang pagtitipon. Kahapon ay kumuha ang kanyang itay ng mga palapa ng niyog at kawayan at gumawa ng tabing sa harap ng kanilang bakuran upang may mapagdausan ng salu-salo.

Katulong ang kaibigang si Khim ay naglagay sila ng 3 mahabang mesa na sinapinan nila ng magarang ‘mantel’. Inihanda na rin nila ang mga plato, platito, baso, kutsara at tinidor at saka binuhay ang ‘sound system’. Malakas ang tugtog at nakakaindak ang musika kaya bandang ala-una pa lang ng hapon ay isa-isa ng dumating ang mga bisita. Lahat ay may bitbit na regalo para kay Juanita. Hinayaan muna niya ang kanyang inay sa pag-istema sa bisita at dumiretso na siya sa kwarto upang magbihis. Laking gulat ng baklang kapitbahay nina Perky nang matuklasang butas ang dalawang utong ng bra na inihanda niya kanina. Pulang-pula si Juanita sa galit at may ideya na siya kung sino ang may kagagawan niyon subalit kelangan niyang magtimpi dahil ayaw niyang mag-eskandalo lalo pa’t kaarawan niya ngayon. Isa pa’y nariyan lang ang tatay niya at ayaw niyang mabugbog ulit nito. Kahit naiimbyerna si Juanita ay pinigilan niya ang sariling magwala nang mga sandaling iyon. Napaiyak na lamang siya sa inis dahil ang ‘bra’ na sana’y susuotin niya ay kinuha pa niya kay Misis Carol noong isang linggo at hindi pa niya nababayaran. Si Misis Carol ay kasamahan niya sa ‘parlor’ na nagnenegosyo ng pahulugang gamit, damit at alahas. Sa nangyari ay nagkasya na lamang siyang isuot ang luma niyang ‘bra’.
Sa kabila noon ay ganda-gandahan pa rin si Juanita Paula. Ang kasamahan niya sa ‘parlor’ na si Khim ang nag-‘make-up’ sa kanya. Paglabas niya ng bahay saktong alas-tres ng hapon ay halos sabay-sabay na napalingon kay Juanita ang mga bisitang naroroon. Lahat ay bumabati sa kanya ng happy birthday. Ang isa nilang kasamahan sa parlor ay nagsabi pa ng “bongga ka day!.. ang ganda mo.. charus!” at nagtawanan ang mga tao. Habang isa-isang nilalapitan ni Juanita Paula ang mga bisita upang magpasalamat sa pagdalo ng mga ito ay nahagip ng kanyang mga mata ang matagal ng ‘crush’. Biglang tumalon ang puso ng tsismosang kapitbhay nina Perky. Subalit ang kanyang kilig ay napalitan ng pagkainis nang makitang kausap ng guwapong binata ang bunsong anak na babae ni Aling Kirsty.
Lumapit si Juanita Paula sa dalawa… “hi..” malanding sabi ni Juanita kay Ker at halatang nagpapa-‘cute’ ito sa binata.
“Oh, hi Juanita! .. Happy birthday..” bati ni Ker.
“Thank you.. para sa kin ba yan?” tanong ng bakla sabay turo sa bulaklak na hawak ni Ker..
“Ay, sorry Juanita.. hindi para sa ‘yo to.. kay Perky ito eh.. pinahawakan lang sa kin..” hinging paumanhin ng binata dito.
“Ay opo ate Juanita dala ko po yan, para sa yo po yan..” magalang na sabi ni Perky sa may kaarawan.
“Hmp! .. di bale na lang.. alam ko namang pinitas mo lang yan sa hardin ni Mang Jim..” mataray na sabi nito.
“Ikaw naman Juanita, pasalamat ka nga at binibigyan ka ni Perky ng bulaklak.. nag-abala na yong bata, susungitan mo pa” sabad ni Ker. Para namang napahiya si Juanita.
“Sige, akin na nga yan..” kinuha ni Juanita ang rosas na hawak ni Ker, pero dahil pabigla ang pagkuha niya ay natusok ng tinik ang daliri nito.
“Aray!... “ anito. Sinadya ni Perky na hindi alisin ang tinik ng bulaklak kaya tatawa-tawa ito sa nangyari. Ang sama ng tingin ni Juanita kay Perky. “Tatawa-tawa ka pa dyang bata ka!” sabi ni Juanita. Bigla namang tumigil sa pagbungisngis si Perky at nagkunyaring naiiyak kaya nang tumingin si Ker sa bata ay  naawa ito.
“Juanita, hindi ka naman tinatawanan ni Perky ka, kita mo nga at naiiyak na siya.. wag ka na umiyak Perky.. hindi mo naman kasalanan..” ani Ker at hinagud-hagud ang likuran nya.
“Pasensya na kayo ate Juanita, hindi ko naman po gustong masugatan kayo.. gusto ko lang po kayong bigyan ng rosas dahil ‘birthday’ nyo..” ani Perky na medyo humihikbi.
“Juanita.. please.. wag mo ng paiyakin si Perky, sabihin mong okay ka lang, hindi ba, para tusok lang eh..” baling ni Ker.
“Etsus! Oo na, ok na..  sige Perky, wag ka na umiyak.. pasensya ka na, ako naman may kasalanan kaya di ko nakita yung tinik..” hinging-paumanhin nito.
“O siya Perky, halika na at kumuha na tayo ng pagkain baka nagugutom ka na.. “ aya ni Ker sa bata.. “o pa’no Juanita, maiwan ka muna namin ha..” paalam ni Ker..
Tumango lamang si Juanita kay Ker. Sa loob niya ay gigil na gigil siya sa batang si perky. Nang maglakad sina Ker at Perky para kumuha ng pagkain ay nakasunod pa rin ang tingin ni Juanita sa dalawa. Paglingon ni Perky ay bineletan niya baklang kapitbahay. Para namang hindi maipinta ang mukha nito.
Hindi sumama sa pagtitipon ang kapatid na panganay ni Perky na si Andrew. Nagdahilan itong masakit ang tiyan. Nauunawaan ni Perky ang kapatid kaya di na niya ito pinilit. Ang nanay niya at ang kanyang kuya Roy ay kasama niyang pumunta doon pero hindi niya matanaw ngayon. Ang alam niya ay pumasok ang mga ito sa bahay nina Juanita para tumulong kay Aling Arra sa pag-iistema ng ibang bisita dahil inako ng kanyang kuya Ker ang pagbabantay sa kanya.
Maya-maya pa ay napalitan ang maingay na musika ng isang malamyos na tugtugin. Nagsimulang pumunta sa gitna si Juanita Paula at ang mga kasamahan nito sa ‘parlor’. Matatapos na ang tugtog nang biglang dumating ang gwapong-gwapo si Daniel. Si Daniel ay kapatid ni Ker. May dala itong isang bungkos na bulaklak para sa baklang may kaarawan kaya naman pakiramdam ni Juanita ay ang haba-haba ng buhok niya ng araw na iyon. Sa isip niya, kahit na hindi napasakanya si Ker eh nandyan naman si Daniel at sapat na iyon para maging masaya siya sa birthday niya.

Habang kumakain ang mga panauhin ay nagsalita sa mikropono ang baklang kapitbahay ni Perky at pinasalamatan ang lahat ng naroroon. Umani ng masigabong palakpakan si Juanita matapos ang madrama nitong pananalita, pagkatapos ay tila prinsesa itong yumukod yukod sa mga tao. Samantala, si Perky naman ang hindi maipinta ang mukha. Nangiti ang bakla sa kanya kaya't lalo siyang nanggigil dito. Naisip ni Perky na panahon na para simulan niya ang huling plano.

Kumuha ang bata ng isang platong 'spaghetti' at nilagyan ng chili powder, pagkatapos ay hinalo iyon at binudburan ng keso. Kumuha rin siya ng coke pero ang basong pinaglagyan ay pinahiran niya ng 'chili oil'. Siniguro niyang hindi mahahalata iyon ng bakla. Nang handa na ang lahat ay inilagay niya ito sa isang tray at lumapit kay Daniel.

"Kuya Daniel, pakibigay mo naman itong pagkain kay ate Juanita. Tiyak na gutom na 'yon kasi kanina pang abala sa pag-aasikaso sa bisita.. matutuwa 'yon kung ikaw ang mag-aabot nito sa kanya"

"Oy, ang bait mo naman Peky!" nakangiting sabi ni Daniel dito. "O sige ako na ang bahala dito".

Habang papalayo si Daniel dala ang plato ng 'spaghetti' at isang baso ng 'coke' ay umalis na si Perky. Umuwi siya at dali-daling pinuntahan ang kanyang kuya Andrew upang ipaalam dito ang ginawa. Magkasabay ang dalawang tumungo sa bintana sa sala at palihim na tinanaw si Juanita Paula. Kitang-kita nila nang tuwang-tuwang abutin nito ang pagkaing ibinigay ni Daniel.

Nang simulan nitong kainin ang 'spaghetti' ay tila hindi maipinta ang mukha nito. Alam ni Perky kung gaano iyon kaanghang pero mukhang nagpipilit pa rin ang baklang si Juanita at tinitiis ang anghang upang maging kalmado sa harap ni Daniel. Maya-maya pa ay naging ngiting aso na ang kanina'y matamis nitong ngiti. Kinakausap ito ni Daniel na sa tingin ni Perky at Andrew ay tinatanong nito kung okey lang ang kanilang baklang kapitbahay kasi nakita nilang tumango ito at sumubo ulit ng 'spaghetti'. Saglit pa ay mukhang hindi na nito nakayanan ang anghang kaya uminom ng coke na lingid sa kaalaman nito ay maanghang din. Nabitiwan ni Juanita ang plato at baso at pulang-pula ang mukhang nagtatakbo ang bakla papasok sa bahay ng mga ito. Tawa naman ng tawa ang dalawang magkapatid sa nasaksihan habang naiwang nakatulala si Daniel na walang kamalay-malay na maanghang ang pagkaing ibinigay nito sa tsismosang kapitbahay nina Perky at Andrew. Sa wakas, nakaganti na rin sila!

No comments:

Post a Comment

Related Posts with Thumbnails