Mother's day will be celebrated here in the Philippines on May 8, 2011. To my mama & other mommies out there, "Happy Mother's Day!"
Isang maikling kwento (short story)
Si Andrew. Isang batang nakatira sa isang baryo sa San Juan, Batangas. Panganay siya sa tatlong anak nina Aling Kirsty at Mang Joseph at kasalukuyang nag-aaral sa isang pampribadong paaralan malapit sa kanilang baryo bilang “iskolar”. Grade six na siya sa darating na pasukan.
Mula pagkabata ay natanim sa isip ni Andrew na hindi siya mahal ng kanyang ina. Palagi siyang pinapalo at sinisigawan nito kahit sa kaunting pagkakamali lamang kung kaya’t ingat na ingat siyang gumawa ng kahit anong bagay na ikagagalit nito. Pero siyempre, dahil bata, madalas ay hindi pa rin niya maiwasang magkamali. Isang Sabado, nagtungo ang nanay nila sa palengke upang mamili ng pagkain para sa buong linggo. Ang tatlong magkakapatid ay nagkasundong maglaro ng “taguan” sa loob ng kanilang tahanan, ngunit nangyari ang isang aksidente. Umakyat sa ibabaw ng “aparador” ang kanyang bunsong kapatid na babae at sa kasamaang-palad ay nahulog ito. Lumagapak ang puwet nito sa sahig. Dali-daling nilapitan ni Andrew ang bunsong kapatid para payapain. Takot na naman ang bumalot sa buo niyang pagkatao dahil alam niyang kapag nalaman ng nanay nila ang nagyari ay tiyak na siya na naman ang sisisihin nito. Alam niyang hindi lamang mura ang matitikman niya mula sa ina, kundi hagupit ng sinturon at mga sampal gaya nang madalas nitong gawin.
“Ssshhhh… tahan na.. magagalit ang nanay kapag narinig ka niyang umiiyak.. tahan na..” alo ni Andrew sa pitong taong gulang na kapatid habang dahan-dahang hinihimas ang ulo nito. Mabilis namang lumabas sa pinatataguan ang isa pa niyang kapatid na lalaki na halatang takot din. Mas bata lang ito sa kanya ng dalawang taon. Saglit pa at napayapa na ang bunsong si Perky. Kinausap ni Andrew ang dalawang kapatid na sina Roy at Perky at sinabihang huwag ng banggitin pa sa kanilang ina ang nangyari kasabay ng panalangin na sana’y malimutan na ito ng dalawang kapatid.
Gayunpaman, sa kabila ng hindi magandang trato kay Andrew ng ina ay mahal na mahal pa rin niya ito. Nauunawaan niya ang ina. Mag-isa na lang kasi ito sa buhay. Matagal ng kinuha ng Maykapal ang kanyang ama. Dalawang taon pa lamang noon ang kanyang bunsong kapatid nang mamatay ang kanyang ama sa isang aksidente sa minehan na pinagtatrabahuhan nito sa Saudi. Mula noon ay ang kanyang ina na ang tumayong ina at “ama” nilang tatlo. May munting tindahan sila sa silong ng bahay na ang kanyang ina ang tumatao at kung minsan ay nagtitinda rin ng kung anu-anong kakanin gaya ng “kutsinta, sapin-sapin, puto, pancit, “bananaque”, “camoteque” at ginataang halo-halo. Alam niyang marami itong trabaho at walang ibang katuwang sa buhay kaya palaging mainit ang ulo nito at madaling magalit. Sabi niya sa sarili, maswerte pa rin silang magkakapatid dahil kahit papano ay andyan ang kanilang ina para ibigay ang kanilang pangangailangan sa kabila ng pagiging abala nito. Ang lagi lang niyang dalangin ay matuto itong magtimpi at maging mahinahon. Tamang-tama, Mother’s day bukas at noong isang araw pa nakagawa ng sulat si Andrew para sa ina. Gumawa siya ng “Mother’s day card” at doon ipinaloob ang sulat para dito.
Dumating ang kanilang ina buhat sa palengke makaraan ang dalawang oras. Kaagad na lumapit ang magkakapatid at tinulungan ito sa pagbubuhat ng mga pinamili. Sina Perky at Roy ay kaagad nagsikuha ng nilagang mais na paboritong ipasalubong sa kanila ng ina habang siya ay tahimik na tumuloy na lamang sa kanilang munting tindahan upang isalansan ang mga paninda. Lihim siyang nagpasalamat at hindi nabanggit ng dalawang kapatid ang nangyari kanina.
Nang sumunod na araw, maagang gumising si Andrew at maingat niyang ipinatong sa ibabaw ng tokador ng ina ang “Mother’s day card” na ginawa niya. Pagkatapos ay nagtuluy-tuloy na siya sa banyo at naligo upang maghanda sa pagsimba. Nakagawian na nilang mag-anak na sabay-sabay magsimba kung linggo.
Samantala, hindi alam ni Andrew na nagising ang ina nang pumasok siya sa kwarto nito kanina. Pagkalabas niya ay napabangon ito at kinuha ang bagay na iniwan ng panganay na anak. Sobrang naantig ang damdamin nito pagkakita sa “Mother’s day card” na personal na ginawa ng anak.
Ito ang sabi sa sulat:
Inay,
Patawarin nyo po ako kung palagi akong nagiging sakit ng inyong ulo. Hindi ko po sinasadya na kung minsan ay hindi ko maiwasang magkamali. Hindi ko po iniinda ang sakit ng katawan sa tuwing papaluin nyo ako, pero sa tuwing sinasaktan nyo po ako, naiisip ko na baka hindi nyo ako mahal. Mahal nyo po ba ako, Inay? Kapag po may nangyaring hindi nyo gusto, madalas po ay ako ang nasisisi at napagsasabihan kahit hindi ko naman po talaga kasalanan at kung minsan ay hindi nyo rin po ako pinakikinggan. Lagi na lamang pong ako ang napagbubuntunan ninyo ng galit. Sana inay, kahit minsan ay maramdaman ko rin na mahal nyo ako katulad nina Perky at Roy.
Mahal na mahal ko po kayo at ang aking dalawang kapatid. Happy Mother’s day, Mahal kong Inay!
Andrew
Kasabay ng pagtatapos ng liham ay ang pagpatak ng luha ni Aling Kirsty. Hindi niya akalaing ganun na pala kalaki ang pagdaramdam sa kanya ng panganay na anak. Alam niya na kung minsan ay labis niya itong nasasaktan pero kahit kailan ay hindi nawala ang pagmamahal niya dito. Ang totoo ay labis siyang nasasaktan pag pinapalo ito pero hindi niya mapigilan ang sarili. Siguro nga ay sobra na ang nagawa niya at panahon na para ituwid ang kanyang pagkakamali.
Nang umagang iyon ay sabay-sabay silang nagsimba tulad ng dati. Pagkatapos ay nag-aya si Aling Kirsty na magmeryenda sila sa Dunkin Donut na malapit lang sa patyo. Kaysaya ng dalawang kapatid ni Andrew habang kumakain ng paborito nilang donut habang siya ay hindi makatingin ng tuwid sa ina. Maya-maya ay nagsalita ang kanyang ina. “Salamat Andrew sa pagiging mabuting anak at kapatid kina Roy at Perky. Mahal na mahal ko kayong tatlo mga anak” makahulugang sabi nito. Biglang nagliwanag ang mukha ni Andrew at nagkaron ng kislap ang mga mata sabay sabing “Salamat Inay! Happy Mother’s day po!”
Masayang-masaya si Andrew. Alam niya na iyon na ang simula ng maligayang pagsasama nila ng ina kung kaya’t napausal siya ng taimtim na panalangin bilang pasasalamat sa Diyos.
No comments:
Post a Comment