Tuesday, November 23, 2010

Kalsada

Isang Sanaysay..

Ganyan naman kayo eh, palagi nyo akong tinatapakan, dinadaan-daanan, dinuduran.. bakit kayo ganito sa akin? Ako na nananahimik dito sa isang banda ay nilalapastangan ng maraming taong walang nais gawin kundi ako'y dumihan at yurakan! Hindi ba kayo naaawa sa aking hubad na katawan? Ako na sa tuwina'y nakalatag sa ilalim ng sikat ng araw at walang anumang saplot kahit sa kalagitnaan ng gabi? Ako na hindi tumitinag sa kabila ng malakas na ihip ng hangin at ulan? Ako na handang tumulong sa inyo kahit anong oras? Ang hangarin ko ay magsilbi sa inyong lahat, maging maginhawa ang inyong paglalakbay at maayos kayong makarating sa inyong pupuntahan. Hindi ko ginustong makadagdag sa inyong pagod bunga ng maghapong pagtatrabaho. Subalit sa isang banda, kayo at ang kapwa nyo tao ay siya ring salarin sa inyong nadaramang paghihirap! Tingnan nyo na lang ang EDSA, nagkakanda buhul-buhol ang mga sasakyan. Paroo't parito ang mga pampasaherong dyip at bus bukod pa sa pribadong mga sasakyang hindi magkamayaw sa lansangan. Ang mga pasahero naman ay nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan at walang pakialam kahit lumabag man sila sa batas-trapiko. Ang tanging nilang iniisip ay ang kanilang mga sarili! Iniisip nga kaya nila ang mga sarili nila? Sa hangaring makauwi ng maaga, silang mga hangal ay pilit tumatawid sa maling tawiran sa kabila ng malaking karatulang nakalagay sa pinakagitna "walang tawiran, nakamamatay!". Hindi mo masabi kung nais talaga nilang mamatay ng maaga o hindi lang sila marunong bumasa. Isa pang masakit ay ang polusyong nakakasulasok bunga na maruming usok. Gusto kong umatungal nang malakas subalit hindi ko alam kung may makakarinig. Maraming taong hindi naman bingi pero daig pa ang walang taynga dahil sa pagkukunwaring walang naririnig. Ang pagbabaha sa kamaynilaan, tao rin ang may kagagawan hindi ba? Silang mga taong walang ginawa kundi magtapon ng basura sa kung saan-saan na di kalaunan ay bumabara sa mga kanal na nagiging sanhi ng pagbabaha tuwing umuulan ng malakas. Ang mga ito ay tila balaraw na paulit-ulit na sumusugat sa aking puso. Alam kong ang tingin nyo sa akin ay isang hamak na "daan" lamang at walang karapatang magreklamo. Hindi ko kayo binabawalang gawin ang nais nyo: maglakad, tumakbo, maglakbay, bagkus, ako ay masaya dahil kasama ako sa inyong "byahe". Kay sarap isiping naging "daan" ako upang marating nyo ang inyong nais marating. Hinihiling ko lang na kayo ay magmalasakit. Sana ay pahalagahan nyo ako at ang kapwa ko "Kalsada".

No comments:

Post a Comment

Related Posts with Thumbnails